Lunes, Hunyo 8, 2015

ISANG LIBO'T ISANG GABI

Isang Libo’t Isang Gabi
(One Thousand and One Nights)
Nobela - Saudi Arabia
Isinalin sa Filipino ni: Julieta U. Rivera

Isang babaeng mangangalakal ang nakipag-isang dibdib sa isang lalaking mahilig maglakbay sa buong mundo. Malimit siyang iniiwanan nang matagal ng kaniyang asawa. Dahil sa katagalan nang di pag-uwi ng lalaki, nakadama siya ngkalungkutan at pagkabagot. Umibig siya sa isang lalaking mas bata sa kaniya.
Isang araw, isang lalaki ang nagsampa ng reklamo laban sa lalaking kaniyang inibig at ipinakulong siya. Nang malaman ng babae ang tungkol dito, agad siyang nagbihis nang pinakamaganda niyang damit at pumunta sa hepe ng pulisya. Bumati siya at sinabi, “Kapatid ko ang lalaking ipinakulong ninyo, inaway nang hindi namin nakikilala, subalit nagsinungaling ang lalaking tumestigo laban sa kaniya. Nagkakamali kayo sa pagkabilanggo sa kaniya, wala na akong kasama at wala nang susuporta sa akin, kaya maawa na kayo, pakawalan n’yo siya.”
Nang marinig ng pulis ang kaniyang pagmamakaawa, at makita ang kaniyang ayos,
umibig ito sa kaniya. Sinabi nito, “Pumunta ka sa aking tahanan hanggang sa mailabas
ko ang iyong kapatid; tutulungan ko siya at pagkatapos ay ilayo mo na siya.”
Diyos ko po,” sagot niya. “Hindi ako pupunta sa bahay ng lalaking estranghero sa akin,” sabi ng bababe. “Kung ganoon, hindi ko siya pakakawalan maliban kung sasama ka sa akin at payagan mo akong gawin ang gusto kong gawin,” sabi ng pulis. Sumagot siya, “Ikaw na lamang ang pumunta sa aking tahanan kahit maghapon at magdamag kung talagang kinakailangan,” sabi ng babae.
“Saan ang iyong tahanan?” tanong nito. At itinuro ng babae ang bahay at nagbigay ng oras para sa pagpunta.
Humingi rin siya ng tulong sa Cadi, “Diyos ko! Cadi.” “Oo,” sagot nito at siya’y nagpatuloy. “Pag-aralan mo ang kaso ko at gagantimpalaan ka ng Diyos,” sinabi nito. “Sino
ang may kagagawan nito?” Sumagot siya, “Mayroon akong kapatid, kaisa-isa kong kapatid. Naparito ako dahil sa kaniya, sapagkat ikinulong siya ng pulis at pinaratangang isang kriminal. Nagsinungaling laban sa kaniya at sinabing ito’y masamang tao, kaya nakikiusap ako, tulungan n’yo siya.” Nang sulyapan siya ng Cadi, umibig din ito sa kaniya. “Pumuntaka sa aking tahanan para makasama ko at sasabihin ko sa pulis na palayain ang iyong kapatid. Kapag nalaman ko kung magkano ang kabayaran para sa kaniyang kalayaan, babayaran ko ng sarili kong pera upang ako’y mapaligaya mo, sapagkat napakalambing ng iyong tinig.” At sinabi niya, “Kung magiging mabait ka sa akin.” Sumagot ang Cadi, “Kung hindi ka papayag, makaaalis ka na at huwag mo akong sisisihin.” Muli siyang sumagot. “Kung talagang iyan ang gusto mo, mas maganda at pribado sa aking tahanan kaysa sa inyo na maraming katulong ang makaiistorbo sa atin. Saka isa pa, hindi naman ako masamang babae, subalit kailangan ko lang itong gawin.” “Saan ang iyong tahanan?” tanong ng Cadi. Sumagot siya, “Sa ganitong lugar.” Sinabi niya ang takdang araw at oras ng kaniyang pagpunta.
Pumunta rin siya at humingi ng tulong sa Vizier na palayain ang kaniyang kapatid sapagkat lubha niya itong kailangan. Subalit may ibinigay rin itong kondisyon. “Payagan mo akong gawin ang gusto kong gawin sa iyo at palalayain ko ang iyong kapatid.” Sumagot siya, “Kung talagang gusto mo, doon na lamang sa aming tahanan, tayo lang doon, hindi
naman kalayuan ang aking bahay. Para maayos ko naman ang aking sarili.” “Saan ang
bahay mo?” tanong nito.“Sa ganitong lugar.” At nagtakda ang babae ng oras at araw na gaya ng dalawang nauna.
Mula rito ay pumunta siya sa hari. Isinalaysay rin niya ang pangyayari at humingi
rin siya ng tulong upang mapakawalan ang kaniyang sinasabing kapatid. “Sino ang
nagpakulong sa kaniya?” tanong nito. “Ang hepe ng pulisya,” ang kaniyang sagot. Nang
marinig ng hari ang nakahahabag na salaysay sa pagkakakulong ng kapatid, bumukal
sa puso nito ang awa at pagmamahal. Sinabi nito na sumama sa kaniyang tinutuluyan
at upang matulungan siyang palayain ang kapatid. Subalit kaniyang sinabi, “O mahal
na hari, madali lang para sa iyo ang lahat. Wala akong magagawa kapag iyong ginusto.
Subalit malaking karangalan kung pupunta ka sa aking tahanan.” Siya’y pumayag. Sinabi ng babae ang lugar at oras ng kanilang pagtatagpo na gaya ng oras sa sinabi niya sa unang tatlong lalaki.
Umalis siya pagkatapos at humanap ng isang karpintero at sinabi nito, “Ipaggawa mo ako ng isang cabinet na may apat na compartment, magkakapatong, may pinto ang bawat isa at masasaraduhan. Malaman ko lang kung magkano at babayaran ko.” Sumagot ang karpintero, “ Apat na dinaryo ang halaga nito, subalit hindi ko na ito pababayaran kung papayagan mo ako sa aking kahilingan.” “Kung kinakailangan,” sagot ng babae. “Papayag ako subalit gawin mo nang lima ang compartment ng cabinet na ipinagagawa ko sa iyo.” At sinabi nito kung kailan ihahatid ang cabinet sa kaniyang tahanan. Sinabi ng karpintero, “Mabuti, sige maupo ka na lamang at gagawin ko ngayon din ang iyong cabinet.” Pagkatapos na magawa, inutusan niya ang karpintero na dalhin sa bahay ang cabinet. Ipinuwesto niya ito sa sala. Pagkatapos, kumuha ng apat na damit at may iba-ibang kulay. Naghanda na rin siya ng makakain, karne, inumin, prutas, mga bulaklak, at pabango.
Dumating ang araw na ibinigay niya sa lahat ng hiningian niya ng tulong. Isinuot
niya ang kaniyang pinakamahal na damit, naglagay ng mga adorno sa sarili, nagpabango, at nilagyan ng mamahaling karpet, at naghintay sa kahit sino ang maunang dumating.
Si Cadi ang unang dumating. Nang makita niya ito, tumayo siya at humalik sa paanan
ni Cadi. Hawak ang kamay, inaya niya itong maupo sa karpet. Nang sisimulan na nitoang kaniyang pakay, sinabi ng babae, “Alisin mo muna ang iyong kasuotan at ang iyong turban. Isuot mo ang dilaw na roba at bonnet na ito habang inihahanda ko ang makakain at maiinom natin. Pagkatapos, puwede mo nang gawin ang nais mo.” Habang isinusuot niya ang roba at bonnet, may kumatok sa pinto. “Sino ang kumakatok? ” tanong niya. “Ang aking asawa,” ang kaniyang tugon. “Ano ang aking gagawin, saan ako pupunta?” tanong ni Cadi. “Huwag kang matakot,” sabi ng babae. “Itatago kita sa cabinet na ito.” “Gawin mo kung ano ang dapat,” sagot ni Cadi. Kaya’t ipinasok niya ito sa pinakaibabang
compartment at isinara ang pinto.
Pumunta siya sa pintuan at tiningnan kung sino ang kumakatok. Ang hepe ng pulisya.
Pinatuloy niya ito agad. “Ariin mong iyo ang lugar na ito at ako’y iyong alipin. Buong araw sa akin ka kaya’t alisin mo na ang iyong suot at ipalit mo ang pulang roba na ito.” Subalit bago nito magawa ang kaniyang pakay, sinabi nito, “Ako’y iyong-iyo at walang iistorbo sa atin. Kung mabait kang talaga, gumawa ka muna ng kautusan na nagpapalaya sa aking kapatid para naman mapanatag ang aking kalooban.” “Masusunod,” sabi nito. At
gumawa na nga ng kautusan ang pulis na nakasaad ang agarang pagpapalaya sa kaniyang kapatid. Nang sisimulan na niya ang kaniyang pakay, biglang may kumatok sa pinto. “Sino iyon?” tanong ng pulis. “Ang aking asawa,” sagot ng babae. “Ano ang gagawin ko?” ang muli niyang tanong. “Pumasok ka sa cabinet na ito, pag-alis niya saka ka lumabas.” At ipinasok niya ito sa pangalawang compartment sa ilalim at sinarhan ang pinto.
Samantala ang nangyayari ay naririnig lamang ni Cadi na nasa loob ng isang compartment ng cabinet. Pumunta uli ang babae sa pintuan upang muling tingnan kung sino ang kumakatok, si Vizier. Sinabihan din niya ito na tanggalin ang mabigat na damit at turban at magsuot ng mas magaan. Isinuot niya ang bughaw na damit at ang kaniyang pulang bonnet at pati na rin ang kaniyang robang gagamitin upang maginhawa sa pagtulog. Nagsimula na ang pakay ni Vizier, nang biglang may kumatok. Tinanong din niya kung sino ito at sinabi ng babae na ito ay ang kaniyang asawa. Nalito ang lalaki at nagtanong kung ano ang kaniyang dapat gawin kaya’t sinabi sa kaniyang magtago sa loob ng cabinet sa ikatlong compartment. Tulad ng nauna, isinara rin niya ang pinto ng cabinet.
Pumunta siya sa pinto at pinagbuksan ang kumakatok. Ito ay ang hari. Pagkatapos
na imungkahi nito ang pagpapalit ng damit, mayamaya pa nagkakapalagayang loob na sila. Sinimulang gawin ng hari ang kaniyang ninanais. Nakiusap ang babae na tumigil muna at nangakong paliligayahin niya ito sa silid pagkatapos ng kaniyang sasabihin. “Kahit ano ang iyong kahilingan,” sagot niya. “Alisin mo ang iyong roba at turban.” Mahal ang kaniyang damit. Nagkakahalaga ito ng isang libong dinaryo. Nang alisin niya ito, ipinalit ang roba na nagkakahalaga ng sampung dinaryo lamang. Ang lahat ng kanilang pinag-uusapan ay naririnig lamang ng tatlong lalaking nakatago sa tatlong compartment ng cabinet subalit hindi sila makapagsalita. Nang simulan ng hari ang kaniyang nais sa
babae, sinabi niya, “Mayroon sana akong ipakikiusap sa iyo.” Habang sila’y nag-uusap, may kumatok muli sa pintuan. Tinanong nito kung sino ang kumakatok. Muli niyang sinabi na ito ang kaniyang asawa. Sinabi nito na paalisin ang asawa o siya, ang hari, ang magpapaalis dito. Subalit sinabi niya na maging matiyaga. Kaya’t pinapasok niya ito sa
pang-apat na compartment ng cabinet. At isinara ang pinto.
Lumabas siya upang patuluyin ang kumakatok. Ito ang karpintero. Tinanong ng babae. “Anong klaseng cabinet ba itong ginawa mo?” “Bakit, anong masama sa ginawa ko?” Sumagot siya, “Masyadong makipot ang ibabaw na compartment.” “Hindi.” “Anong hindi?” Subukin mo ngang pumasok at hindi ka kakasya riyan.” Pumasok nga ang karpintero sa ikalimang compartment. At sinaraduhan ito ng babae.
Agad niyang dinala ang sulat sa hepe ng pulisya. Agad namang pinalaya ang kaniyang mangingibig. Hindi nila malaman ang kanilang gagawin. Napagpasiyahan nilang
magpakalayo-layo at lumipat ng syudad sapagkat hindi na sila makapananatili sa lugar na iyon. Gumayak sila at tumakas sakay ng isang kamelyo.
Samantala, nanatili ang limang lalaking nakakulong sa compartment ng cabinet. Sa
loob ng tatlong araw na walang pagkain at walang tubig. Hindi nakatiis ang karpintero,
kinatok niya ang compartment ng hari, kinatok naman ng hari ang compartment ni Vizier, kinatok naman ni Vizier ang compartment ng pulis at ng pulis sa compartment ni Cadi. Sumigaw ang Cadi na nagsasabing bakit ba sila nagsasakitan gayong lahat naman sila ay nakakulong. Nagkarinigan silang lima. Napagtanto nila na sila ay napagkaisahan ng babae. At habang sila-sila ay nagkukuwentuhan ng mga pangyayari, nagtataka ang
kanilang mga kapitbahay sapagkat may ingay ay wala naman silang makitang tao sa loob. Kaya’t napagpasyahan nilang wasakin ang pinto at pasukin ang bahay.
Nakita nila ang cabinet na yari sa kahoy. Nakarinig sila ng nagsasalita kaya’t tinanong nila kung may genie sa loob nito. Sinabi ng isa na sunugin ang cabinet. Sumigaw ang Cadi na huwag silang sunugin. Nagkunwari siyang genie, nagsalita ng mensahe galing sa Qur’an. Pinalapit nito ang mga tao sa cabinet.
Lumapit sila sa cabinet at nagsimulang magsalaysay ang mga nakakulong. Tinanong nila kung sinong may kagagawan ng lahat ng ito. Ikinuwento nila lahat-lahat nang nangyari. Nang makita nila ang kanilang mga hitsura at pananamit, nagtawanan na lamang sila. Lumabas sila ng bahay na tinatakpan ang kanilang mga mukha upang di makilala at makaiwas sa tsismis ng mga kapitbahay.

USOK AT SALAMIN: ANG TAGAPAGLINGKOD AT ANG PINAGLILINGKURAN

Usok at Salamin: Ang Tagapaglingkod at ang Pinaglilingkuran
Isinulat ni Gordon Fillman
Isinalin ni Pat V. Villafuerte

Ilang taon na ang lumipas, banal na araw noon sa Herusalem, nahirapan ako sa
pinakamagulo kong karanasan sa mga kasapi ng mga piling Israeli Ashkenazic (may karanasang Europeo).
Naninirahan ako noon sa isang maganda, luma, at mabuhay na lugar kasama ang mga kapitbahay kong Kurdish, Persian, Iraqi, Amerikano, at Ashkenazic Israeli Jews. Isang araw, isang kilala sa akademya at ang mapayapang paggalaw ang tinigilan ng kaniyang sasakyan habang ako’y pauwi sa aking bahay mula sa kabayanan, at ako’y kaniyang inalok ng sakay. Habang ako’y kaniyang ipinagmamaneho sa aming magandang lansangan, inilarawan ko ang kapalaran sa pagkakaroon ng kapitbahay mula sa iba’t ibang lugar. “Ugh,” bulalas niya nang kami ay dumating sa mga Persians, “Mga Persian: sila ang pinakamasama.” Ang malamig kong pakli sa kaniya ay “Anong kaimpyernuhan ang pinagsasabi mo?” “Ay, naku,” dugtong niya, “Lahat ay nakakaalam na sila ang pinakamasama.”
Hindi pa ako nakikipagbalitaan sa mga kakilalang ito ilang taon na ang nakakalipas. Inilarawan ko sa aking isipan kung gaano siya naguluhan sa kinalabasan ng botohan ng mga Israelitas. Ipinagtataka ko kung mayroon siyang palatandaan tungkol sa gawain na
siya at ang kanilang mga kasamang Ashkenoisie ay may bahagi sa pagbubunyag nito. Matapos ang botohan, isang malaking bilang ng tagapanood na Afro-Asian Jews ang masiglang sumagot kay Netanyahu. Sobrang galit ang mga nakikinig sa kaniya kasama
si Perez, na si Netanyahu ay pamamahalaan sila, upang ang kanilang kawalang-galang
ay mawala.
Ang hinanakit kay Perez ay nagmungkahi ng hinanakit sa klase sapagkat siya ay
inaakalang kumakatawan sa mga sekular, cosmopolitan, mapayapang mamamayan sa
mundo na nangangahulugan na magtatanggol ng proseso ng kapayapaan sa Israel.
Sa mga nangunang tagapag-isip ng mga Ionist ay hindi man lang umasa na ang mga Europeong Hudyo ay magkukulang ng bilang laban sa mga Aprikano at Asyano, ni hindi sila gumawa na tila pang-unawa, na sila ay magsimulang magkulang ng bilang laban sa mga Afro-Asians, na ang edukasyon, klase, at paksa tungkol sa relihiyon ay maaaring
mag-udyok ng relasyong magkalaban na ang salitang maganda lamang sa pandinig at
mga kamalian ay mabawasan.
Ang Ashkenazim ay kinakatawan ng mga nakapag-aral na Israelitas. Mayroon . . . ako’y nakatitiyak, walang sadyang patakaran ng pagtatanggal, ngunit tulad ng karamihang paaralan sa Israel, ang edukasyon ay napangingibabawan ng mga matataas at panggitnang uri ng Ashkenazim. May lalabas na paboritismo sa paghahanap ng mabuting paaralan at pagtatanggap ng mga tao sa pamantasan at programang propesyonal. Ito’y hindi pagsasabi na ang tagumpay ay hindi lubos na mahalaga sa pagpapasiyang ito, ngunit sinong maayos ng mga trabaho, pook, paaralang institusyon ang nagbibigay ng pondo sa iba’t ibang kahanga-hangang tagumpay? Higit sa lahat ang mga Ashkenazim.
Ang Afro-Asian (a.k.a Sephardic, Oriental, Eastern, at Mizrachi) Jews ay sa pinakabahagi, kaakit-akit na bourgeoisie at manggagawa, uri ng tao na nagbibigay ng pangangailangan ng kanilang grupo at nagsisilbi rin upang ang buhay ay maging komportable para sa mga nakatataas at nasa gitnang klase ng mamamayan. Na may kaunti at mahalagang pagtutol, partikular na sa pagtatayo ng mga industriya, Ashkenazic ang pinaka-bourgeoisie at ang tagapaglingkod. Tulad sa lipunan, ang ikinagagalit ng mga tagapaglingkod tungo sa pinagsisilbihan ay pinapasakitan ang mga nahuhuli at sila’y nawawalan o nasisiraan ng loob. Ito’y tulad ng masasabing, kung ako’y komportable, bakit ang mga taong nagsisilbi sa akin ay hindi bagay hangaan at pasalamatan? Ang pinaglilingkuran sa U.S. – Jewish at walang ibang kilos.
Sa Israel, ang pinaglilingkuran ay mahilig ding maging mataas na konsumer. Ito’y napapalagay na ang mataas na consumer ay gulat sapagkat sila’y kadalasang nasasakop at maaaring kahit galitin, ng mga katamtaman at mababang konsumer. Bilang pagbaling ng mga Israelitas sa mga estilo ng U.S. at ang sukatan ng paggawa (ang orihinal na bilihan sa Israel, naitayo ilan taon pa lang ang nakakalipas, tila dumanas ng cell division countless time, bagay na tunay na tumatakip sa kaayusan ng Israel), ang matataas na konsumer ay ipinagmamalaki ang kanilang kayamanan sa mga katamtaman at mababang antas ng uri ng sistema na ang agwat ng mayaman sa mahirap ay mabilis na gumagawa sa U.S.
Ang mga pinaglilingkuran ay mahilig ding maging sekular at magpasakit sa harap ng mga relihiyosong mga tagasubaybay. Kahit na karamihan sa mga Afro-Asian Jews ay hindi gaanong relihiyoso, ang inuuna nilang kultura ay hindi sila binibigyang konsepto, gawing mag-isa ang pagsasanay ng serkularismo. Ang Hudismo ay hindi relihiyon sa kanila, ni ngayon, bagkus, ito’y bahagi ng kanilang buong buhay.
Noong si Paula Ben-Gurion, asawa ng Unang Kataas-taasang Ministro ng Israel silang
kapwa mabagsik na sekular – ay tinanong kung ano ang pakiramdam ng bumili ng kosher meat, ito’y hindi nakagugulo sa kaniya. Simple niyang gawin sa sandaling umuwi siya. Sa
magandang sagot, ngunit nakagugulo sa mga Jews mula Aprika at Asya na iniisip lamang ito bilang kalapastanganan. Alinsunod sa pagsusuot ng yarmulke sa Wailing Wall, si Netanyahu tulad ni Begin, bago siya nagawa niyang magdala ng pagkakaisa kasama ng
mga may pagkerelihiyosong mga tagapaglingkod. Posibleng ang malaking pakinabang ng mga botanteng Jews ay nakapagbigay kay Netanyuha (55% ng botanteng Israeli Jews-ed.) ay hindi malaking pagtanggi sa proseso ng kapayapaan o pababain ito. Sa halip ang may kalakihang seksyon ng populasyon ng mga Israeli Jewish ay pinapantayan ang mga tumatangkilik sa kanila, ini-stereotype sila at umaasa sa kanila upang matanggap ang kanilang gagampanan bilang tagapaglingkod sa mga may tanging karapatan.
Ang galit sa uri ay madalas na nagpapagalaw sa politika sa mga bansang class ridden. Ang pagsubok sa mga tao na naghahangad na makita ang kalayaan at ang tunay na demokrasya sa Israel, sa U.S., Russia at saan man ay ang kung paano dalhin ang mapayapang mga uri para intindihin ang mga galit sa kanila at ang kanilang aktibong bahagi sa paninindigan nito. At saka, ang pinakamalaking pagsubok sa lahat, ay kung kondesasyon, at dominasyon sa sosyal na pagbubuo mula ng pangalan at interes ng bawat isa. Inaasam ko ang mga araw ng mga guro / aktibista ay magsasabing, “Mataas at katamtamang uri ng tao, maipagmataas, at mapag-uri, iyan ang pinakamasama.”

ANG TALINGHAGA TUNGKOL SA MAY-ARI NG UBASAN

Ang Talinhaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan
(Mateo 20: 1-16 sa Bagong Tipan)


1 "Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kanyang ubasan. 2 Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak a sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. 3 Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. 4 Sinabi niya sa kanila, 'Pumunta din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.' 5 At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. 6 Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, 'Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?' 7 'Kasi po'y walang magbigay sa amin ng trabaho,' sagot nila. Kaya't sinabi niya, 'Kung gayon, pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.'
8 "Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, 'Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.' 9Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. 10 Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. 11 Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. 12 Sinabi nila, 'Isang oras lamang gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?' 13 Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, 'Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang salaping pilak? 14 Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? 15 Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?"
16 "At sinabi ni Jesus, "Ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli."
-Ang Talinhaga Tungkol sa May-ari ng Ubasan

ELEHIYA KAY RAM

Elehiya Kay Ram
ni Pat V. Villafuerte

Kung ang kamatayan ay isang mahabang paglalakbay
Di mo na kailangang humakbang pa
Sapagkat simula't simula pa'y pinatay ka na
Ng matitigas na batong naraanan mo
Habang nakamasid lamang
Ang mga batang lansangang nakasama mo
Nang maraming taon.
Silang nangakalahad ang mga kamay
Silang may tangang kahon ng kendi't sigarilyo
Silang may inaamoy na rugby sa madilim na pasilyo.
Sa pagitan ng maraming paghakbang at pagtakbo
Bunga ng maraming huwag at bawal dito
Sa mga oras na nais mong itanong sa Diyos
Ang maraming bakit at paano
Ay nanatili kang mapagkumbaba at tanggaping ikaw'y tao
At tanggapin ang uri ng buhay na kinagisnan mo.
Buhay na hindi mo pinili dahil wala kang mapipili.
Buhay na di mo matanggihan dahil nasa mga palad mo
Ang pagsang-ayon, ang pagtango at pagtanggap
Bilang bagong ama ng lima mong nakababatang kapatid.
Ay, kaylamig ng sementadong mga baytang
Ng gusali ng finance at turismo
Habang pinatnubayan ka ng bilog na buwan
At nagkikislapang mga bituin sa pagtulog mo.
At bukas, at susunod na mga bukas, tulad ng maraming bukas
Iyon at iyon din ang araw na sasalubong sa iyo.
Nakangiti ngunit may pait
Mainit ngunit may hapdi
May kulay ngunit mapusyaw
Paulit-ulit, pabalik-balik
Pabalik-bai, paulit-ulit
Ang siklo ng buhay na kinasadlakan mo.
At isang imbensyon ang iyong nalikha
Kayraming sa iyo ay lubusang humanga.

Mula sa teoryang laba-kusot-banlaw-kula-banat,
Napapaputi mo ang nag-iisang polong puti
Sa tulong ng mga dahon.
Napapaunat mo ang nag-isiang polong puti
Sa ibabaw ng mga halaman.

Napapabango mo ang nag-iisang polong puti
Sa patak ng alcohol.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
Laba-kusot-banlaw-kula-banat.
At habang hinahanap mo ang nawawala mong ama
Upang may mahingan ka ng pambili ng libro
O magsabit ng mga medalya sa dibdib mo
Kayrami naming naging ama-amahan mo.
Habang ang iyong ina'y nag-aalok ng kendi't sigarilyo
Upang may maiapabaon sa iyo
Kayrami naming naging ina-inahan mo.
Habang namimighati ka sa harap ng kapatid mong
Pinaslang sa Aristocrat,
Kayrami naming naging kuya-kuyahan mo.
Habang naghahanap ka ng mga taong kakaibiganin
Upang magbahagi ng iyong karanasan
Kayrami naming naging kaibigan mo.
Sa PNU sumibol ang mga bagong ate mo.
Sa PNU nalikha ang mga bagong kuya mo.
Sa PNU nabuo ang bagong pamilya mo.
Ay, ang uniporme pala'y napapuputi ng mga dahon
At napauunat ng mga halaman;
Ay, ang kalam ng sikmura pala'y napabubusog
Ng pagtakam at pag-idlip;
Ay, ang pagbabasa pala'y may hatid-tulong mula sa poste ng Meralco
Habang nakatayo ka't tangan ang libro;
Ay, ang sakit pala'y napagagaling
Ng magdamag na paglimot;
Ay, ang paliligo pala't paggamit ng banyo
Ay may katumbas na piso;
Ay, ang pangungulila pala'y nahahawi
Ng pag-awit at pagsulat.
Umaawit ka't sumusulat
Sumusulat ka't umaawit.
Habang ang titik na nalilikha'y
Walang himig ng harana
Walang tinig ng kundiman
Walang indayog ng oyayi.
At ang mundo mo'y nabago ng pag-ikot
Ikot pakaliwa, ikot pakanan
Ikot paitaas, ikot paibaba
Ikot papaloob, ikot papalabas
Pangalan mo'y parang bulaklak na humahalimuyak
Simbango ng pabango mong iwiniwisik
Sa katawan mong walang pilat
Binabanggit-banggit saan mang lugar
Sinasambit-sambit ng mga guro't mag-aaral.
Ilang bituin s alangit ang hinangad mong sungkutin
Ilang saranggola sa ulap ang ninais mong maangkin
Kung ang mga bituin sana'y di nagkulang ng kinang at ningning
Sana, kahit kometa'y ilalatag ko't sa mga palad mo'y aking ihahain
Kung ang saranggola sana'y di dinagit ng hangin
Sana guryon itong sabay nating bubuuin.
Ay, wala na.
Tuluyan nang naglaho ang kinang at ningning ng mga bituin.
Tuluyan nang humalik sa lupa ang saranggolang dinagit ng hangin.
Sa paglalakbay mo,
Ang naiwan sa amin ay isang blangkong papel
Di naming matuldukan upang mapasimulan ang isang pagguhit.
Di naming maguhitan upang maitala ang maraming katanungan.
Di namain matanong upang hingan nang kalinawan.
Sana, sa paglalakbay mo'y makahuli ka ng mga sisiw
Sana, sa paglalakbay mo'y may matanggal na piring
Sana, sa paglalakbay mo ay may timbangan kang maaangkin.
At kapag natupad ito
Kaming mga nakasama mo
Kaming mga nagmahal sa iyo
Ay lilikha ng bagong himno ng paglalakbay
Isang himnong ang mga titik ay kalinisan ng puso
Isang himnong may himig ng pananagumpay
Dahil para sa amin,
Ikaw ang himno
May puso kang malinis
Kaya't dito sa lupa'y ganap kang nagtagumpay.
Sa kabilang buhay, ikaw pa rin ang magtatagumpay.

RAMA AT SITA

RAMA AT SITA (Isang kabanata)
Epiko – Hindu (India)
(Isinalin sa Filipino ni Rene O. Villanueva)

Sa gubat tumira sina Rama, Sita at Lakshamanan nang ipatapon sila mula sa kaharian ng Ayodha. Minsan, isang babae ang dumalaw sa kanila. Hindi nila alam, nagpapanggap lamang ang babae. Siya ay si Surpanaka, ang kapatid ni Ravana, na hari ng mga higante at demonyo. “Gusto kitang maging asawa,” sabi nito kay Rama. “Hindi maaari,” sabi ni Rama. “May asawa na ako.” Narinig ni Sita ang dalawa kaya lumabas siya. Niyakap ni Rama si Sita sa harap ni Surpanaka. Nagselos ng husto si Surpanaka. Sa galit ay bigla siyang naging higante. Nilundag niya si Sita para patayin. Pero mabilis na nayakap ni Rama ang asawa at agad silang nakalayo kay Surpanaka, siya namang pagdating ni Lakshamanan.
“Sige patayin mo siya!” sabi ni Rama. Binunot ni Lakshamanan ang kaniyang espada at nahagip niya ang tenga at ilong ng higante. “Sino ang may gawa nito?” sigaw ni Ravana nang makita ang ayos ng kapatid. Nagsinungaling si Surpanaka kay Ravana para makaganti kay Rama. Sinabi niyang nakakita siya ng pinakamagandng babae sa gubat at inalok niya itong maging asawa ni Ravana pero tumanggi ang babae. Nang pilitin daw niya, tinagpas ng isang prinsepe ang kaniyang ilong at tenga. “Tulungan mo ako, Ravana,” sabi pa nito. Bihagin mo si Sita para maging asawa mo. “Naniwala naman si Ravana sa kuwento ng kapatid.pumayag siyang ipaghiganti ito.
Ipinatawag ni Ravana si Maritsa. May galing si Maritsa na mabago ang sarili sa kahit anong anyo o hugis. Nang malaman ni Maritsa na sina Rama at Lakshamanan ang makakalaban, tumanggi itong tumulong. “kakampi nila ang mga diyos,” sabi ni Maritsa.
“Kailangang umisip tayo ng paraan kung paanong makukuha si Sita nang hindi masasaktan si Rama. “Nakumbinsi naman si Ravana kaya nag-isip sila ng patibong para maagaw nila si Sita.
Isang umaga habang namimitas ng bulaklak, nakakita si Sita ng isang gintong usa. Tinawag agad niya sina Rama at Lakshamanan para hulihin ang usa na puno ng mamahaling bato ang sungay. “Baka higante rin iyan,” paalaala ni Lakshamanan. Dahil mahal na mahal ang asawa, kinuha ni Rama ang kanyang pana at busog. “Huwag mong iiwan si Sita kahit ano ang mangyari,” bilin ni Rama sa kapatid. Parang narinig ng usa ang sinabi ni Rama. Agad itong tumakbo kaya napasigaw si Sita. “Bilis! Habulin mo ang gintong usa!”
Matagal na naghintay ang dalawa pero hindi pa rin dumarating si Rama. Pinilit ni Sita si Lakshamanan na sumunod sa gubat. “Hindi, kailangan kitang bantayan,” sabi nito. Ilang oras pa silang naghintay nang bigla silang nakarinig ng isang malakas na sigaw. Napaiyak si Sita sa takot pero ayaw paring umalis si Lakshamanan kaya nagalit si Sita. “Siguro gusto mong mamatay si Rama para ikaw ang maging hari,” sabi nito kay Lakshamanan. Nasaktan si Lakshamanan sa bintang ni Sita. Para patunayang mahal niya ang kapatid, agad siyang sumunod sa gubat. Wala silang kamalay-malay na sa labas ay naghihintay si Ravana.
Sa gubat, napatay ni Ravana ang usa at bigla itong naging si Maritsa. Nagpanggap naman si Ravana na isang matandang paring Brahmin. Nagsuot ng isang kulay kahel na roba at humingi siya ng tubig kay Sita. Hindi nakapagpigil si Ravana. “Bibigyan kita ng limang libong alipin at gagawin kitang reyna ng Lanka!,” sabi ni Ravana. Natakot si Sita at nabitiwan ang hawak na banga!
Itinulak ni Sita si Ravana. Bumalik sa anyong higante si Ravana. Hinablot ni Ravana ang mahabang buhok ni Sita at isinakay sa karuwaheng hila ng mga kabayong may malapad na pakpak. Nagsisigaw at nanlaban si Sita pero wala siyang magawa. Lihim na nagsisi si Sita sa ginawa niya kina Rama at Lakshamanan. Itinapon niya ang mga bulaklak sa kanyang buhok. Nagdasal siya na sana ay Makita iyon ni Rama para masundan siya at maligtas.
Mula sa isang mataas na bundok, narinig ng isang agila ang sigaw ni Sita. Hinabol ng ibon ang karuwahe ni Ravana. Pinagtataga ni Ravana ang agila at duguan itong bumagsak sa lupa.
Pabalik na sina Rama at Lakshamanan nang Makita nila ang naghihingalong agila. “Dinala ni Ravana ang asawa mo sa Lanka,” sabi nito bago mamatay. Sinunog ng magkapatid ang bangkay ng agila. Pagkatapos ay naghanda sila upang sundan ang hari ng mga higante sa Lanka. Dinala ni Ravana si Sita sa Lanka, ang kaharian ng mga higante at demonyo. “Mahalin mo lamang ako ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kayamanan.” Sabi ni Ravana. Pero hindi niya napasuko si Sita.
Hiningi ni Rama ang tulong ng hari ng mga unggoy para salakayin ang Lanka. Sa labanang naganap, maraming kawal na unggoy ang napatay pero mas maraming higante ang bumagsak na pugot ang ulo. Hinanap ni Rama si Ravana at silang dalawa ang naglaban.
Matagal na naglaban sina Rama at Ravana hanggang sa mapatay ni Rama ang hari ng mga higante. Tumakas ang iba pang mga higante nang makita nilang patay ang kanilang pinuno. Umiiyak na tumakbo si Sita sa asawa. Nagyakap sila nang mahigpit at muling nagsama nang maligaya.

MUNTING PAGSINTA

Munting Pagsinta
mula sa pelikulang Mongol: The Rise of Genghis Khan
ni Sergei Bordrov
Hinalaw ni Mary Grace A. Tabora

Mga Tauhan:
Temüjin - anak ni Yesügei na mula sa Tribong Borjigin
Yesügei - ama ni Temüjin
Borte - isang dalaginding na taga - ibang tribo
Tagpuan: Kawangis ng madilim na kalangitan ang nadarama ng
magiting na mandirigmang naninimdim sa takbo ng
kapalarang sinapit na nakatalungko sa isang sulok ng
makipot at karima-rimarim na piitan.
Temüjin: Anong saklap na mapiit sa kulungang malupit? Ito ay silid ng
kalungkutan. Tila kailan lamang nang kasa-kasama ko si
Ama . . . .
Yesügei: Temüjin, bilisan mo na riyan. Kailangan nating magmadali?
Temüjin: Bakit Ama?
Yesügei: Malayo ang ating lalakbayin. Kailangang huwag tayong
magpatay-patay. Mahalaga ang ating sasadyain.
Temüjin: Naguguluhan ako sa iyo Ama. Kanina ka pa nagmamadali at
sinasabing mahalaga ang ating sadya sa ating pupuntahan?
Ano ba iyon?
Yesügei: Ika’y siyam na taong gulang na, sa edad mong iyan Temüjin
ay dapat ka nang pumili ng iyong mapapangasawa.
Temüjin: Itay ako’y masyado pang bata para sa bagay na iyan. Ang
kasal ay sa matatanda lamang.
Yesügei: Aba’t ang batang ito, hindi naman ibig sabihin na kapag
nakapili ka na ng babaeng pakakasalan mo ay magsasama
na kayo. Isang simpleng pamimili lamang ng babae ang
gagawin mo at pangakong siya’y iyong pakakasalan.
Temüjin: Ganoon po ba iyon?
Yesügei: Oo, anak. Tayo’y nabibilang sa Tribong Borjigin kaya’t ikaw
ay pipili ng babaeng mapapangasawa sa Tribong Merit.
Temüjin: Bakit sa Tribong Merit siya kailangang magmula? Hindi
naman iyon ang ating tribo.
Yesügei: Malaki ang atraso ko sa tribo, kaya’t sa ganitong paraan
ako’y makababawi sa kanila.
Temüjin: Sa tingin mo ba Ama sa ating gagawin ay kalilimutan na nila
‘yon nang ganoon na lamang?
Yesügei: Hindi ko alam. Tingnan natin kung ano ang mangyayari.
Mas mabuting may gawin akong paraan kaysa sa wala.
Temüjin: Kung iyan po ang sa tingin ninyo’y tama.
Tagpo: Sa maliit na nayong liblib na kinatatayuan ng ilang
kabahayan.
Yesügei: Temüjin, magpahinga muna tayo.
Temüjin: Mabuti ‘yan Ama. Napagod na rin ako. Gagalugarin ko
lamang ang paligid.
Yesügei: Huwag kang lalayo at mag-iingat ka.
Tagpo: Mapapadpad si Temüjin sa isang dampa kung saan nakatira
ang dalaginding na si Borte. Mabibigla siya sa di inaasahang
pagbagsak ng pinto ng kanilang kusina na likha ng
aksidenteng pagkabuwal ni Temüjin.
Borte: Aaay! May magnanakaw!
Temüjin: Shhh (Tatakpan ang bibig ni Borte). ‘Wag kang sumigaw,
wala akong gagawing masama.
Borte: (Pipiliting magsalita kahit nakatakip ang bibig.)
Temüjin: Tatanggalin ko ang pagkakatakip ng bibig mo kung
mangangako kang hindi ka na mag-iingay. Magtiwala ka sa
akin hindi ako masama (Habang dahan-dahang inaalis ang
kamay sa bibig ni Borte.)
Borte: (Sa isang mahinang tinig) Bakit kita paniniwalaan? Di naman
kita kilala.
Temüjin: Kahit di mo ako kilala, kaya kong patunayan sa iyo na ako’y
mabuti.
Borte: (Mariing pagmamasdan si Temüjin) Aber paano mo
patutunayan ‘yang sinasabi mo? Sige nga! (Taas noo)
Temüjin: Basta ba di mo ako pagtatawanan sa sasabihin ko sa iyong
patunay.
Borte: Tingnan natin.
Temüjin: (Tila seryosong nag-iisip na may ngiti sa labi)
Borte: Anong nginingiti mo riyan? Sabi mo ‘wag akong tatawa, ikaw
lang pala ang tatawa.
Temüjin: Heto na, handa ka na ba?
Borte: Kanina pa, ang bagal mo naman.
Temüjin: Nais ko sanaaaannnng (magkakandautal) sa…sanang ikaw
ang babaeng mapangasawa ko. (Mababa ang tono)
Borte: Siraulo ka ba? Niloloko mo ako no? Kabata-bata pa natin.
Temüjin: Seryoso ako. Ano payag ka ba?
Borte: Ganon-ganon lamang ba iyon?
Temüjin: Alam kong mahirap akong paniwalaan, hayaan mong
ipaliwanag ko sa iyo. Kasama ko si Itay, kami’y papunta sa
tribo ng mga Merit upang pumili ako ng aking
mapapangasawa. Ngunit ikaw ang ibig ko, ikaw ang pinipili
ko.
Borte: Anong mayroon sa akin, bakit ako ang pinili mo?
Temüjin: Di ko rin alam. Ang tanging alam ko lamang ay ito ang
ibinigay ng pagkakataon sa akin. Ikaw ang aking nakita.
Kaya naman pagbigyan mo na ako. Hindi naman ibig
sabihin na pumayag ka ay pakakasal na tayo.
Borte: (Di pa rin makapaniwala sa bilis ng mga pangyayari) Di ko
malaman kung ano ang dapat kong sabihin sa iyo. (Nag-
aalangan) Pero… sige na nga.
Temüjin: Salamat sa iyo, ako’y labis mong pinaligaya. Asahan mong
hindi ka magsisi sa iyong desisyon.
Borte: (Nahihiya at halos di makapagsalita) Paano na ngayon?
Temüjin: Siyempre tuloy pa rin ang buhay natin. (Masuyo ang
pagkakatingin kay Borte) Pero darating ang panahon na
tayo’y mamumuhay sa iisang bubong. Magkatuwang na
aarugain ang ating mabubuting anak.
Borte: Matagal pa iyon.
Temüjin: Oo, pangako babalikan kita pagkatapos ng limang taon.
Halika puntahan natin si Ama. (Kukunin ang kamay ni
Borte.)
Tagpo: Magkahawak kamay na naglalakad sina Temüjin at Borte sa
paghahanap sa ama kay Yesügei na kanilang makikita na
nakatunghay sa ilog.
Temüjin: Ama!
Yesügeii: (Mapapaharap at magpapalipat-lipat ang tingin sa dalawa
pati sa kanilang kamay) Anong…Sino siya…Bakit?
Temüjin: Ama, siya po ang babaing napili ko. Si Borte.
Borte: Magandang hapon po. Kumusta po kayo?
Yesügei: Pero…
Temüjin: (Agarang magsasalita) Paumanhin po sa pagdedesisyon ko
nang di nagpapaalam sa inyo pero buo po ang loob ko sa
aking ginawa. Sana’y maunawaan n’yo po ako.
Yesügei: Ganang desidido ka na, sino ba ako para di-sumang-ayon
sa iyong kagustuhan. Ang iyong buhay naman ang nakataya
rito. (Matiim na titingnan si Borte) Okay lang ba sa iyo?
Borte: Opo!
Yesügei: Kung gayon, halina kayong dalawa at kausapin natin ang mga magulang mo Borte. Matapos makipagkasundo sa mga magulang ni Borte, ang mag-ama ay naglakbay pauwi sa kanilang dampa sa malayong nayon ng Mongolia. (Si Temüjin ay si Genghis Khan.)

NYEBENG ITIM

NYEBENG ITIM
Ni Liu Heng
(Isinalin sa Filipino ni Galileo S. Zafra)


Paparating na ang bisperas ng Bagong Taon. Nagpakuha ng litrato si Li Huiquan sa Red Palace Photo Studio, isang bagay na ayaw na ayaw niyang gawin, dahil pakiramdam niya, lalo pa siyang pinapapangit ng kamera. Sinasabihan na siya ni Tiya Luo na sapat na ang apat na piraso, ngunit nag-order siya ng labinlima. Nagulat ang klerk.
“Kinse?”
“Kinse nga.”
“Hindi kami siguradong maganda pa rin ang litrato kapag ganoon karami.”
“Gusto ko sabi ng kinse!”
May pagkainis na sa kanyang boses at iyon lamang ang magagawa niya para mapigilan ang sarili na suntukin ang pangang iyon. Nag-order siya ng kinse para hindi na siya bumalik pa sa susunod at ikinabuwisit niya ang ituring na kahangalan ang ganito.
Nang bumalik siya para kunin ang litrato, mas kabado siya kaysa nang kunin niya ang mga abo ng kanyang ina sa crematorium. Tumalikod siya at lumakad papalayo dala ang balutang papel nang hindi pa muna sinusuri ang litrato, at nang nag-iisa na lamang, dinukot niya ang laman. Labinlimang magkakatulad na litrato ang hawak niya, bawat isa ay nakatitig sa kaniya nang may pare-parehong hitsura. Sa kabuuan, mas maayos ang kinalabasan kaysa kaniyang inaasahan. Parang mas manipis ang kanyang labi dahil nakatikom, nakatitig ang mga mata niya. Hindi mo masasabing pangit. Sa katunayan, mas guwapo siya kaysa sa maraming tao. Wala siyang reklamo.
Dinala siya ni Tiya Luo sa komite sa kalye kung saan pinagpasa-pasahan sila. Nakipag-usap sila sa iba’t ibang tao hanggang sa isang may katandaang opisyal ang nagbigay rin sa kaniya ng lisensya para sa kariton. Hindi naaprobahan ang kanyang aplikasyon para sa lisensya sa pagtitinda ng prutas dahil puno na ang kota. Ang mga kontak ni Tiya Luo ay hindi makatulong o ayaw nang tumulong. Mayroon na lamang lisensya para sa tindahan ng damit, sombrero, at sapatos. Wala nang pakialam si Huiquan kung anuman ang maaaring itinda. Ang mahalaga, mayroon siyang magawa.
Nabalitaan niyang mas madali ang pagtitinda ng prutas, mas mabilis ang kita; mas mabagal naman sa damit, at mas mababa pa ang tubo, nabalitaan din niyang kailangan niya ng maayos na tindahan o koneksyong black-market para talaga mapatakbo ito. Ngunit handa siyang sumubok. Kailangang palakasin
niya ang kanyang utak, at di matatakot magtrabaho, maaayos ang lahat. Kahit maliit ang kikitain niya, hndi naman liliit pa iyon sa natatanggap niya bilang ulila, hindi ba? Bahala na.
Paglabas nila mula sa compound ng gobyerno, nakabangga nila ang isang matabang mama na tinawag ni Tiya Luo na Hepeng Li. Sabi ni Tiya Luo okay Huiquan na tawagin itong Tiyo Li. Walang ideya sa Huiquan kung hepe ito ng ano at kaninong tiyo ito, ngunit naaalala niya rito ang matatabang sumo wrestler ng Japan.
“Hindi ka ba magpapasalamat kay Tito Li sa lahat ng tulong niya?”
Magalang na yumuko si Huiquan, isang ugaling natutunan niya sa kampo. Kailangang yumuko ang mga bilanggo sa lahat ng guwardiya, inspector, at tagamasid na nakikipag-usap sa kanila o nakatingin man lang sa kanila- iyon ang pagsasanay. Ginagawa niya iyon dahil nakasanayan na. Ngunit halos di siya napansin ng mama—tila ito isang lalaking tumitingin ng kung anong paninda. Pakiramdam ni Huiquan ay isa siyang basurahan o isang pirasong basahan na nais magtago sa isang butas.
“Ito ba siya?” tanong ng matabang mama kay Tiya Luo.
“Mabait siyang bata, tulad ng sabi ko. Tingnan mo’t namumula na siya.” Napatawa ang mama habang itinuon ang tingin kay Huiquan.
“Alam mo ba kung paano ka nakakuha ng lisensya gayong maramng retirado at walang trabaho ang di-makakuha?”
“Dahil...dahil kailangan ko ng trabaho?”
“Iyon lang ba?” mapanlibak ang ngisi ng mataba.
“Dahil isa akong ulila?”
“kinakalinga ka ng pamahalaan; tiyak kong alam mo iyan. Huwag kang manggugulo at huwag kang sakim ... nagkamali ka na. Kalimutan mo na iyon, dahil kapag umulit ka, wala nang tutulong sa iyo.”
“Gagawin ko anuman ang ipag-utos ng pamahalaan.”
Isa na naman sa maraming islogan sa kampo. Nakabilanggo pa rin ang kaniyang isp at damdamin kahit pinalaya na siya sa kampo. Kahit si Tiya Luo ay tumangu-tango. Saanman siya magpunta, laging may nagsasabi sa kanya kung ano ang dapat at di-dapat gawin; sa pagtingin sa kanya ng mababa, umaangat ang kanilang sarili. Namalagi siya sa bilangguan. Sila ay hindi at nararamdaman niya ang mga babala, panlalait, at paalala ay para lang sa kanya; gamitin ang ihian, walang dudura, bawal pumasok, limang yuan na multa—lahat ay patungkol sa kanya at tanging sa kanya lamang. habampanahon na may magpapahirap sa kanyang buhay, magtuturo sa kaibahan niya at ng ibang tao, hihila sa kaniya paibaba. Gusto niyang lumaban pero wala siyang lakas. Kaya magpapanggap siyang tanga, umiiwas sa mga nagmamasid at nagmamatyag. Maraming taon na naman niyang ginagawa ito.
Masayang naglakad si Tiya Luo, di-pansin ang tamlay sa mukha ni Huiquan habang nakasunod ito na parang bilanggo.
“Halos Bagong Taon na. Puwede kang m anatili ngayong Bagong Taon sa amin.”
“Salamat, pero maayos na po ako...”
“Sa palagay ko’y matutuwa na ang ina mo. Kung buhay siya, ipapangalandakan niya—negosyante na ang anak ko; maganda ang kinabukasan niya ; hindi na siya katulad nang dati. Gusto kong pasalamatan mo ang nanay mo.”
“Sige po.”
“Bahala ka kung gusto mong mag-isa ngayong Bagong Taon pero hindi ibig sabihin na pwede kang uminom.”
“Huwag kayong mag-alala.”
“Hindi na maaga para mamili para sa Bagong Taon. Isda, manok- kung anu-ano pa. Kung hindi ka marunong magluto, pumunta ka rito at tuturuan kita. Dapat lang na maayos ang bagong taon mo. Pagkatapos, dapat magtrabaho na. Ayusin mo at hahanapan kita ng nobya. Ano sa palagay mo, bata?”
“Kayo ang masusunod.” Ngumiti siya ngunit matamlay. Ang isang yari sa kahoy at canvass na ambi ay aabot ng sandaan o mahigit pa; kung may tatlong gulong, dagdag na tatlong daan pa mahigit. Wala nang matitira para sa paninda. Hindi pa nga nagsisimula’y kailangan na niyang humugot sa naipon ng kanyang ina. Kinabahan siya dahil wala itong atrasan.
Isa o dalawang araw bago ang bagong taon, nakakita siya ng kakarag-karag at lumang tatluhang gulong na sasakyan sa East China Gate Consignment Store na 230 Yuan ang halaga. Ayos ang presyo pero napakasama ng kondisyon at di-masasakyan. Mukhang maayos ang balangkas-kahit paano’y napanatili ang hugis; walang gulong pero mapapakinabangan pa rin ang gilid at rayos ng gulong; walang kuliling, walang kadena, at walang tapakan, ngunit may preno at pedal. Hindi siya makapagpasya at pinag-isipan niya ang lahat ng anggulo. Nalibot na niya ang buong bayan. Ang mga bagong sasakyan ay nagsisimula sa apat na raan, wala namang ipinagbibiling umaandar pang segunda mano. Sa isang groseri, nakakita siya ng isang sasakyang yari sa kawayan na mukha namang matibay, ngunit parang may mali rito. Kung magtitinda siya ng damit, kakailanganin niya ang tatluhang gulong—para naman kaaya-ayang tingnan.
“Gusto mo nito? Para saan?”
Lumapit ang klerk sa kanya.
“Kariton para sa mga damit.”
“Tamang-tama hindi ka magsisi. Kung poste ng telepono, o kongreto. O iba pang katulad. Hindi ko ‘to irerekomenda. Pero para lamang sa ilang tumpok ng damit. Di ka gagastos ng higit sa sandaan sa pag-aayos nito, at puwedeng tumagal pa ng lima, anim na taon.”
“Bakit di-gumagalaw?”
“Matigas ang preno. Aayusin ko.”
Ibinigay ni Huiquan ang pera . at kinaladkad ang walang gulong na sasakyan mula East China Gate patungong Dongsi. At mula roon, papuntang Chaoyong Gate. Dahil sa kanyang natatanging sasakyan, naging sentro siya ng atensyon, bagaman hindi naman nakapipinsala ang mga tingin sa kaniya. Matapos bumili ng ilang parte sa pagawaan nagbisikleta sa labasan ng Chaoyong Gate Boulevard, tinulak niya ang kanyang sasakyan patungong East Lane ng kalyeng Spirit Run papasok sa gate ng bilang 18. Ang berdeng bayong na nakasabit sa kalawanging hawakan ng sasakyan ay napuno ng tinimplang baka, dalawang pinakuluang manok, may yelong isda, apat na paa ng manok, at isang bote ng alak—hapunan para sa Bagong Taon.binili niya at madaling nakuha dahil ayaw niyang nakapila at wala naman siya talagang hinahanap para sa kanyang hapunan. Mas iniintindi niya ang kanyang sasakyan, ang kanyang bagong kaibigan, ang kanyang tahimik na kasama.
Inimbitahan siya ni Tiya Luo para maghapunan, bisperas ng Bagong Taon.dumaan ito habang naglalagare siya ng kahoy, nakalambitin sa bibig ang isang pirasong manok. Tumanggi na muna siya. May naaamoy ang Tiya at iniangat nito ang takip ng palayok. Pinalambot ang paa ng manok sa kumukulong sabaw. Walang makikitang berde—hndi balanseng pagkain. Sira na ang manggas ng kanyang panlamig; puno ng kusotang kanyang sapatos at laylayan ng pantalon; marumi at mahaba ang kanyang buhok. Naawa si Tiya Luo sa kanya ngunit tumanggi pa rin si Huiquan. Ginagamit pa rin niya ang kahoy na iniwan ni Hobo,desididong gumawa ng magandang patungan para sa kanyang sasakyan.
Bumalik si Tiya Luo upang imbitahan siyang manood ng TV—nakatatawang palabas at iba pang kawili-wiling programa.hindi dapat palampasin. Ngunit umiling siya, hindi man lang tuminag sa kanyang paglalagare.
“Marami pa po akong gagawin.”
“Hindi makapaghihintay kahit pagkatapos ng bagong taon.”
“Mas gugustuhin kong patapusin ninyo ako...”
“Marami namang panahon. Huwag mong tapusin agad lahat. Di ka dapat magpagod, Bagong Taon pa naman.”
Sa umpisa, panaka-naka ang mga paputok, ngunit dumalas ang ingay at pagsapit ng hatinggabi, akala mo’y sasabog na ang mundo. Ibinaba ni Huiquan ang lagare at nagsalin ng alak. Matagal ana pinalambot ang paa ng manok kaya halos matanggal na sa buto ang mga laman nito. Tama ang pagkaluto,
Medyo matabang, marahil, kaya nilagyan niya ng kaunting toyo ang plato at isinawsaw niya ang laman dito. At kumain at uminom siya hanggang sa mamanhid ang kanyang panlasa. Maaaninag sa kanyang bintana sa kanyang likod ang pula at berdeng ilaw paminsan-minsan. Karangyaan kahit saan ka lumingon, mula sa mga taong kuntento sa kanilang buhay. Ano ang balak ng milyong taong ito? Ang ang ipinagsasaya nila?
Siguradong hindi siya kabilang sa kanila. Kung buhay si ina, panahon iyon ng pagbabalot ng dumpling, iyong maliliit na pagkaing pumuputok sa bibig na parang kendi. Gustong-gusto niya iyon. Sa unang Bagong Taon niya sa kampo, pitumpu’t anim ang nakain niya sa isang upuan, hanggang sa mabusog siya nang sobra’t hindi na siya halos makaupo, at ginugol niya ng buong hapon sa paglalakad sa laruan. Gayuman, kahit ang alaalang ito ay hindi nakapagpasaya sa kanya. Malagkit ang mga kamay niya dahil sa pinalambutang paa ng manok at sapin ng malagkit na baboy, at nahihilo na siya dahil sa alak.
Lumabas siya at tumayo sandali sa bakuran. Walang lamig, walang hangin. Makulay ang langit; maraming paputok sa lahat ng dako. Ang bakuran, na may mahigit sa pito o walong talampakan ang luwang, tulad ng balon sa lalim ng kumikinang na bughaw na langit. Isang stereo ang bumubuga ng awit, iyong tinig na di maintindihan. naiisip niyang mataba at pangit ang mang-aawit. Nakapanood na siya ng ganito sa TV—magagandang boses at ngiti ngunit pangit ang itsura nila. Kumikisay sila s iskrin, ang mga kilos ay nagpapatingkad lamang sa kanilang kapangitan at ang mga awit nila’y ginagawang nga sigaw at halinghing. Magagandang babae lamang dapat ang ipiakikita sa TV, subalit maaaring nagkukulang na ng suplay. Bagaman lumalayo na si Huiquan sa mga babae, sumasagi pa rin sa isisp niya ang imahen ng magagandang dalaga. Wala sa mga ito ang kilala niya dahil labo-labo na ang mga ito sa kanyang utak.—malalabong imahen na ang intensyon ay malinaw at ityak. May mga panahon, natatanging panahon, kung kaialan pinapangarap niyang mapasasayaw niya sa kanyang isip ang mga imahen. Ngunit sa totoong mundo man o sa mundo ng ilusyon ay hindi niya mapasunod ang mga ito, walang magawa, napilitan siyang tanggapin ang kanyang kahinaan.
Ang isip ni Huiquan ay nabaling sa malalaswang dingding—dingding ng banyo na ang mga sugat ay hindi mabura, ginulping dingding na halos iguho ng malalaswang pag-atake. Kakaiba, malaswang isip at dumi ay kakatuwang napagsasama nang maayos doon, pinupwersa siyang harapin ang maruming katawan na pinipilit niyang itago. Mag-isa sa bisperas ng bagong taon, idinagdag niya ang sarili niyang mga pantasya sa mga naroon sa maruruming dingding. Hindi pala ang mga babae kundi marahil sa sarili pala niya siya naririmarim.
Sa sarili niyang paraan, inalagaan niya ng kanyang sarili. Magulo, siyempre pa, ngunit gusto niya ang gayon, lihim, ligtas, at di komplikado. Mas maraming mapagtataguan sa kampo kaysa sa bukid kaya nilang bilangin—taniman, maisan, daluyan ng irigasyon, di pa nabubungkal na bukid—na ang tanging nagmamasid sa kanya ay ang langit sa itaas at ang lupa sa ibaba. Nang naroon na siya,wala na siyang pagtingin kay Xiaofen , kaya wala nang direksyon ang kanyang pagkahumaling. Bahala na. Alam niyang pinaglalaruan siya ng mga demonyo at wala siyang lakas para labanan ito.
Pagod na siya. Paubos na ang mga pagputok. Ang madalang nang pagputok ay nagpatingkad sa kalaliman ng gabi. Puno na ang mga tao ng kasiyahan , pagkain, at laro, at oras na para matulog ang lungsod, bago magbukang-liwayway. Wala siyang kasama, at pakiramdam niya’y nawawala siya. Labas sa kanyang mga pantasya, wala siyang makitang babae na karapat-dapat sa kanyang pagmamahal.
Si Luo Xiaofen , wala na sa kanyang isip, ay hinding-hindi ang babaeng iyon. Hindi pa niya nakikita ito simula nang lumabas siya. Nagbabakasyon ito sa Harbin kasama ng kanyang nobyo, isang assistant sa kolehiyong normal, at isang gradwadong mag-aaral sa matematika si Luo—isang tambalang itinadhana ng langit. Ibinalita ni Tiya Luo, Masaya at nagmamalaki, na magpapakasal na ang dalawa sa Mayo. Si Luo Xiaofen—kababata ni Hiuquan, sabay silang nag-elementarya hanggang gitnang paaralan, ngunit ngayon, wala na siyang pagkakatulad. Nasa Harbin si Luo. Samantalang siya , nasa kalyeng Spirit Run, sa isang madilim na sulok, gumagawa ng hamak na bagay. Ngunit ito ang tadhana hinahamak siyang lagi sa tadhana.
Sa unang araw ng bagong ton, pinagkaabalahan niya ang kanyang sasakyan, sa ikalawang araw, inilabas iyon para paandarin. Tuwang-tuwang siya sa mga sisidlang ginaw niya. Nagbisikleta siya para tingnan ang mga pakyawan, para pag-aralan ang mga lokasyon nito. Sa ikalima pa ang nakatakdang pagbubukas ng mga ito, tila pinagkisahan siya. Walang magagawa hanggang sa araw na ito.
Matapos na sumulat sa instruktor political Xue at ipadala ang liham, dumaan si Huiquan sa isang tindahan ng libro at bumili ng mga kopya ng Mga multo sa Isang Lumang Sementeryo at Mga Babaeng Ahas. Pagbalik sa bahay, humilata siya’t nagbasa habang kinaing isa-isa ang saging. Nitong mga ang daang araw, nakaubos siya ng isang piling hanggang sa naging madulas ang kanyang bituka at napapapunta sa inidoro buong araw. Maayos naman ang mga libro; hindi lang siya makaalala ng istorya.kaya’t binabasa niyang muli, at parang bago at kawili-wili pa rin sa ikalawang pagbasa. Matapos niyang basahing muli ang mga libro, itinabi niya ito at ang mga pader ay tila blangko at maputla. Saging pa. Itinuturing na niyang mga gago ang mga awtor. Nakabababato. Gayon pa rin bukas, at may pakialam ba siya? Ano ang pagkakaiba ng malaki at maliit na daga? Parehong pangit; parehong patagu-tago.
Ibinigay kay Huiquan ang puwesto sa may daanan sa timog ng silangang tulay. Dito ang mga numero ay nakapinta nang puti sa mga ladrilyo na nasa isang mahabang hanay ng tigdadalawang kwadrado-yardang puwesto; ang iba ay okupado, ang iba ay hindi. Matapos niyang ayusin ang kanyang tindahan,tinakpan niya iyon ng ambi at inayos ang kanyang sasakyan para magsilbing harap ng tindahan. Sa bandang kaliwa niya ay ang daanang silangan-kanluran, sa bandang kanan, ang katapat nitong hilaga-timog. Nasa tapat mismo ng pardahan para sa Eastbridge Department Store. Nasa gilid siya ng alimpuyo ng mga tao, parang di humihinto.
Wala isa man lang na tumingin sa kanyang paninda. Pagod pa sa nagdaang okasyon, ang mga dumaraan ay palaiwas o bugnutin. Ang kanyang designasyon ay timog 025. Hindi magandang puwesto. Siya ang ika-25 tindero ng damit sa isang mahabang yardang lugar. ang mga tindahan ng pagkain ay nasa hilagang bahagi ng kalye, na may di kulang sa anim na nagtitinda ng inihaw na kamote at ilan pang matatandang naglalako ng malamig na dalandan at halos bulok nang saging.
Napuno ng kulay berde sa kanyang tindahan—isang bunton ng walong kulay-olibong kasuotang pang-army . isinampay niya ang ilan, inilatag ang iba at isinuot ang isa. Niloko siya ng matandang lalaki sa pakyawan. Hindi maitinda ang mga kasuotan, panlamig na angora, at sapatos na gawa sa canvass. Ang naitinda lamang niya nang araw na iyon ay mga angora. Madaling naubos ang dalawang piraso. Mangyari pa, iyon ang pain para sa iba pang paninda. Ang pakyawan ay tres-diyes. Ibinenta niya ang una ng apat na yuan at ang huli, sais-beinte. Walang kinakailangan magturo sa kanya. Natuto siya nang iabot sa kanya ng unang kostumer ang pera; huwag kang matataranta sa pera at kalimutan mo na ang pagiging magalang sumigla siya, sa kung anumang dahilan; kumislap ang mata niya, na napanatag siya. Sa wakas, isang bagay itong may kontrol siya.
Gusto sana niyang magtago ng isang gora para sa sarili. Para itong Ku Klux Klan na talukbong—mga mata lamang ang makikita—at iyon ang kailangan ng nagtitinda. Pakikiramdam ni Huiquan ay makapangyarihan siya, tulad ng misteryosong matanda na naglalako ng minatamisan na nakatayo sa harap ng East Bridge Department Store, sa dinaraanan mismo ng hangin. Ilang oras na walang imik, walang kibot. May mga kostumer siya—hindi marami kaunti—ngunit hindi na matagalan ni Huiquan na panoorin siya, alam niyang maaari siyang sigawan nito kapag nagpatuloy pa siya.
“Sapatos na tatak-perfection mula sa Shenzhen Free Economic Zone. Sapatos, tatak-perfection, gawa sa Shenzhen...”
Nagulat ang mga naglalakad sa sigaw niyang ito. Narinig na niya ang ganitong pagtawag sa gate ng Silangang China at sa Bukanang Gate, ngunit hindi niya alam kung kaya niya ang ganito. Mahirap, sa isip niya; hindi niya kaya. Ngayon, alam na niyang mali siya sa pagtantya sa sarili.
“mga blusang Batwing! Halikayo rito! Tingnan ninyo!”
Sa pagkakataong ito, napakasama ng tunog, ngunit tila walang nagulat. Ilan pang Segundo, nasanay na ang mga mamimili sa kanyang kakaibang sigaw. Maipagkakamaling galing sa aso o kotse, at hindi pa rin papansinin ng mga namimili.
“Mga blusang batwing! Seksi! Seksi! Seksi! Mga babae!”
Kung makasisigaw lang talaga siya ng kung anong malaswa para mapansin. Buong araw, binantayan niya ang kanyang tindahan. Mula umaga hanggang oras ng hapunan, ngunit wala siyang nabenta, isa man lang panlamig na angora o isang pares ng sapatos kaya—wala maliban sa dalampung angora. Kahit iyon lang, ang may katandaang babae sa kanyang kanan ay naiingit, dahil iyong mas matagal na ito rito, naibenta lamang nito ay pares ng medyas at dalawang panyo. Ang tindahan sa kaliwa ay binabantayan ng isang lalaking dadalawampuin na muntik nang mapaaway sa isang kostumer dahil sa isang jacket na balat. Ang sabi ng kostumer, iyon ay imitasyon; ipinilit ng tindera na tunay iyong balat. Kinusot iyon ng kostumer at iginiit na imitasyon iyon mula sa ibang bansa. Naubos na ang pasensya ng isang tinder. Alam ni Huiquan na tunay iyong balat, ngunit hindi siya nakihalo sa gulo. Walang dahilan para sumangkot. Na ang lalaki ay nag-alok sa kanya ng sigarilyo, tumanggi siya. At siya naman ang nagsindi. Di niya pinansin ang lalaki. Wal siyang balak na mapalapit kaninuman. Kailangang mag-ingat kapag sangkot ang ibang tao.
Siya ang huli sa mga hanay ng mga tindahan na nagsara ng araw na iyon. Alas nuwebe na, kalahating oras matapos magsara ang Department store, madilim ang paradahan, halos walang nagawa ang mga ilaw sa kalye; wala nang kostumer sa gabi. Nagsasara na rin ang tindahan sa tapat, na binantayan ng dalawang lalaki, ngunit kahit gabing-gabi pa, parang ayaw pa nilang tapusin ang araw; may lungkot at panghihinayang sa kanilang tinig.
“Medyas na nylon, pasara na! Otsenta sentimos ang isang pares...otsenta sentimos isang pares! Paubos na ang medyas na nylon. Huling tawag! Medyas na nylon...
Dumaan ang kanilang sasakyan sa gilid ng kalye patungo sa daan, sa direksyon ng tore ng pamilyang Hu. Pumedal ang isang tindera samantalang ang isa ya nakaluhod sa sasakyan at iwinawagayway ang isang pares ng medyas na nylon. Sandali lang ang kanilang lungkot na mabilis na pinalitan ng pambihirang tuwa. Ang kanilang mga tinig—isang mataas, isang mahina—ay iginala ng hangin sa gabi.
Sa sumusunod na araw ay nakabenta siya ng muffler.
Sa ikatlong araw ay wala siyang naitinda.
Sa ikaapat na araw ay wala pang kalahating oras pagbubukas niya ng tindahan, nakabenta siya ng kasuotang pang-army sa apat na karpentero na kababalik lamang sa Beijing mula sa timog. Pagkagaling sa estasyon ng Beijing, tumungo sila sa hardware sa tore ng pamilyang Hu, at nang marating nila ang silangang-tulay, nagkulay talong ang kanilang mga labi dahil sa lamig. Naligtas ang kanilang mga balat ng kasuotang panlamig ni Huiquan, at ang kanilang pera ay mabilis niyang isinilid sa kanayng bulsa. Bago siya nakapagtinda, matamlay niyang hinarap ang negosyo, ngunit nagbigay ng inspirasyon ang pagbili ng mga karpintero. Tiyaga ang susi para sa isang buhay na matatag. Kahit sa pinakamalalang panahon, walang ibubunga ang mawalan ng pag-asa. Mas mabuting maghintay kaysa sa umayaw, dahil walang makaaalam kung kailan kakatok ang oportunidad. Hindi naman sa lahat ng pagkakatoan ay malas ka, hindi ba? Nag-iisip si Huiquan.

ANG KABABAIHAN NG TAIWAN, NGAYON AT NOONG NAKARAANG 50 TAON

ANG KABABAIHAN NG TAIWAN, NGAYON AT NOONG NAKARAANG 50 TAON
Isinalin sa Filipino ni Shiela C. Molina


Ang bilang ng populasyon ng kababaihan sa mundo ay 51% 0 2% na mataas kaysa kalalakihan. Maaaring isipin ng ilan na ang kababaihan ay nakakukuha ng parehong pagkakataon at karapatan gaya ng kalalakihan. Ilang kababaihan lamang ng buong mundo ang nakakukuha ng pantay na karapatan at paggalang tulad ng kalalakihan. Ang tungkulin at kalagayan ng kababaihan ay unti-unting nagbabago sa nakalipas na 50 taon. Ito ay makikita sa dalawang kalagayan: una ang pagpapalit ng gampanin ng kababaihan at ikalawa ay ang pag-unlad ng kanilang karapatan at kalagayan. Nakikita ito sa Taiwan.
Ang unang kalagayan noong nakalipas na 50 taon, ang babae sa Taiwan ay katulad ng kasambahay o housekeeper. Ang tanging tungkulin nila ay tapusin ang hindi mahahalagang gawaing-bahay na hindi natapos ng kanilang asawa. Ang mga babae ay walang karapatang magdesisyon dahil sa kanilang mababang kalagayan sa tahanan.
Ngayon, nabago na ang tungkulin ng mga babae at ito ay walang naging kumplikado. Sa bahay ng mga Taiwanese, sila pa rin ang may pananagutan sa mga gawaing-bahay. Ngunit sa larangan ng trabaho, inaasahang magagawa nila kung ano ang nagagawa ng kalalakihan. Sa madaling salita, dalawang mabibigat na tungkulin ang nakaatang sa kanilang balikat.
Ang ikalawang kalagayan ay pinatutunayan ng pagtaas ng kanilang sahod, pagkakataong makapag-aral, at mga batas na nangangalaga sa kanila. Karamihan sa mga kumpanya ay nagbibigay ng halaga sa kakayahan ng babae at ang kinauukulan ay handang kumuha ng mga babaeng may kakayahan at masuwelduhan ng mataas. Tumataas ang pagkakataon na umangat ang babae sa isang kumpanya at nakikita na ring may mga babaeng namamahala. Isa pa, tumaas ang pagkakataon para sa mga babae pagdating sa edukasyon. Ayon sa isang estadistika mula sa gobyerno, higit na mataas ang bilang ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo kung ihahambing sa kalalakihan makalipas ang 50 taon.
At ang huling kalagayan ay ang pagbabago ng mga batas para sa pangangalaga sa kababaihan ay nakikita rin. Halimbawa, sa Accton Inc., isa sa mga nangungunang networking hardware manufacturer sa Taiwan, ginawa nang isang taon ang maternity leave sa halip na 3 buwan lamang. ang gobyerno ng Taiwan ay gumagawa ng batas sa pagkakaroon ng pantay na karapatan upang higit nilang mapangalagaan ang kababaihan.
Bilang pagwawakas, naiiba na ang gampanin ng mga babae at higit itong mapanghamon kung ihahambing noon. Ang kanilang karapatan at kahalagahan ay binibigyan na ng pansin. Ngunit hindi ito nangangahulugan na ang mga babae ay tumatanggap na ng pantay na posisyon at pangangalaga sa lipunan. Mayroon pa ring kumpanya na hindi makatarungan ang pagtrato sa mga babaing lider nito. Marami pa ring kalalakihan ang nagbibigay ng mabigat na tungkulin sa kanilang asawa sa tahanan. Ito ay matuwid pa rin sa kanila. Marami pa ring dapat magbago sa kalagayan ng kababihan sa Taiwan at malaki ang aking pag-asa na makita ang ganap at pantay na karapatan nila sa lipunan.

ANG PASAWAY NA PALAKA

ANG PASAWAY NA PALAKA

May mag-inang palaka na naninirahan sa isang malaking sapa. Ang anak na palaka ay sutil at wala nang ginawa kung ‘di ang magpasaway sa kanyang ina, siya ay mabigat na pasanin ng kanyang ina at madalas, sanhi ng kahihiyan nito.
Kapag sinabi ng kanyang ina na maglaro siya sa tabi ng burol, maglalaro siya sa dalampasigan. Kapag naman sinabing pumunta siya sa mga kapit-bahay sa itaas, magtutungo ito sa ibaba. Anuman ang sabihin ng kanyang ina ay gagawin niya ang kabaligtaran nito.
“Ano kaya ang gagawin ko sa batang iyon?” bulong niya sa kanyang sarili. “Bakit hindi siya maging tulad ng ibang mga batang laging sumusunod sa mga ipinag-uutos sa kanila. Sila ay mabubuti at magagalang. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa kanya, kapag magpapatuloy siyang ganito. Kailangan kong maituwid ang mga baluktot niyang pag-uugali.” Buntong hininga ng nanay na palaka.
“Ha!ha!ha!” halakhak ng batang palaka. “Ssssshh! Sermon...sermon. hindi ninyo kailangang mag-alala para sa akin. Ayos lang ako nang ganito.
“Ganoon ba?” wika ni inang palaka. “Bakit hindi ka makakokak nang wasto? Ni hindi mo alam lumikha ng tunog na tulad ng isang palaka. Hayaan mong turuan kita. “ huminga ng malalim si inang palaka nang may ngiti sa kanyang mga labi at buong lakas na bumigkas ng kokak! Kokak! “Sige, subukin mo.”
Ngumisi nang todo ang batang palaka at huminga rin nang malalim. Buong lakas niyang isinigaw ang kakok! Kakok!
“Pasaway! Sutil kang bata ka! Papatayin mo talaga ako!” sigaw ni inang palaka. Makinig ka sa akin kung alam mo kung ano ang makabubuti sa iyo. Ngayon...”
Kakok! Kakok! Pang-aasar na wika ng batang palaka habang tumatalon papalayo, araw-araw ay walang sawang pinagsasabihan ni inang palaka ang kanyang anak. Subalit patuloy siyang sinusuway nito. Kung ano ang iniuutos ng ina ay ang kabaligtaran pa rin ang ginagawa ng anak. Siya ay lubos na nag-alala at nababahala kaya nagkasakit. Sa kabila nito patuloy sa baluktot na gawain ang kanyang anak.
Isang araw ay tinawag niya ang kanyang anak habang nakahiga sa kama. “Anak” wika niya, “sa tingin ko’y di na ako magtatagal pa. Kapag namatay ako, huwag mo akong ilibing sa bundok, ilibing mo ako sa tabi ng sapa. Nasabi niya ito dahil alam niyang gagawin ng kanyang anak ang kabaligtaran ng kanyang sinabi.
Lumipas ang ilang araw namatay na si inang palaka. Umiyak nang umiyak ang batang palaka. “O, kawawang ina ko. Labis siyang nag-alala sa pagiging pasaway ko. Bakit hindi ko siya pinakinggan” sumbat niya sa kanyang sarili. “Ngayon, wala na siya. Pinatay ko siya. Pinatay ko.”
Simula noon, ang mga berdeng palaka ay nag-iingay ng koka! Kokak! Kapag umuulan. Ito rin ang dahilan kapag ang isang Korean ay gumagawa ng kabaligtaran ng dapat niyang gawin ay tinatawag na Cheong Kaeguli, palakang puno.

NAGKAMALI NG UTOS

Pabula: Nagkamali ng Utos

Sa malayong kaharian ng mga tutubi ay may naninirahang isang prinsesang tutubi. Siya’y bugtong na anak nina Haring Tubino at Reyna Tubina ng kahariang Matutubina. Mahal na mahal ng hari at reyna ang anak nila. Sinasabing ipaglalaban ng buong kaharian ang anumang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Si Prinsesa Tutubi ay mahilig mamasyal at magpalipad-lipad sa papawirin. Lagi niyang kasa-kasama ang kaniyang mga piling dama at mga tagasubaybay na mangyari pa ay pawang tutubi rin.
Isang araw, naisipan niyang lumipad patungo sa labas ng kaharian. Ibig niyang alamin kung ano ang daigdig sa labas ng kanilang kaharian. Tumakas siya sa kaniyang mga dama at tagasubaybay. Mag-isa niyang nilakbay ang malawak na papawirin.
Maligayang-maligaya si Prinsesa Tutubi. Umaawit-awit pa siya sa kaniyang paglipad. Wiling-wili siya sa lahat ng kaniyang nakikita. Totoong naibang si Prinsesa Tutubi at hindi niya napansin ang pamumuo ng maitim na ulap sa papawirin.
Huli na nang ito ay mapuna ni Prinsesa Tutubi. Mabilis man siyang lumipad pabalik sa kaharian ay inabutan din siya ng malakas na ulan.
“Titigil muna ako sa punongkahoy na ito,” ang sabi sa sarili ng prinsesa.
Ngunit sa punongkahoy pala naman iyon ay maraming mga matsing. Pinaalis nilang pilit ang nakikisilong na tutubi. Bawat dapuang sanga ni Prinsesa Tutubi ay niyuyugyog ng mga matsing. Hindi lamang iyon. Pinagtawanan pa nila ang prinsesa.
“Kra-kra-kra! Nakakatawa. Malaki pa sa kaniyang tuhod ang kaniyang mga mata.” Malakas na na sabi ng isa. Sinundan ito ng malakas na hagikgikan ng mga matsing.
Sa laki ng galit ng Prinsesa Tutubi umuulan pa ay umalis na siya sa punongkahoy na iyon at lumipad pauwi sa palasyo. Tuloy-tuloy siya sa silid ng kaniyang amang hari. Kaniyang isinumbong kay Haring Tubino ang mga matsing. Laking galit ng hari. Nagpatawag agad ang hari ng kawal.
“Pumunta ka ngayon din sa kaharian ng mga matsing,” ang utos niya sa kawal. “Sabihin mong dahil sa ginawa nila sa aking anak na Prinsesa, gusto kong hamunin ang kaharian ng mga matsing sa isang labanan.”
Mabilis na lumipad ang inatasang kawal. Pagdapo niya sa kaharian ng mga mating ay walang paligoy-ligoy niyang sinabi ang kaniyang pakay. Malakas na tawanan ng mga matsing ang nagging sagot sa pahayag ng kawal na tutubi.
“Mga tutubi laban sa mga matsing! Ha-ha-ha-ha!” Muling nagtawanan ang mga matsing. “Nakakatawa , ngunit pagbibigyan naming anginyong hari,” ang sabi ng pinuno. “Ang mga mating laban sa mga tutubi!” Nagtawang muli ang mga matsing.
“Kailan at saan gaganapin ang labanan?” ang tanong ng pinuno.
“Bukas ng umaga sa gitna ng parang!” ang tugon ng kawal.
“Magaling! Bukas ng umaga sa gitna ng parang kung gayon,” masiglang pag-ulit ng matsing sa sinabi ng tutubi.
Bumalik sa kanilang kaharian ang kawal a tutubi at ibinalita sa Haring Tubino ang nagging katugunan ng mga matsing.
Kinabukasan naroroon na sa isang panig ng parang ang hukbo ng mga matsing. Anong daming matsing. Waring ang buong kamatsingan ay naroroon at pawing sandatahan. Bawat isa ay may dalang putol na kahoy na pamukpok.
Nasa kabilang panig naman ng parang ang makapal na hukbo ng mga manlilipad na tutubi.
“Kailangang pukpukin ninyo ang bawat makitang tutubi,” ang malakas na utos ng haring matsing.
Sa kabilang dako naman ay ibinigay na rin ng pinuno ng mga tutubi ang kaniyang utos. “Dapat nating ipaghiganti ang kaapihan ni Prinsesa Tutubi.
Kailangang magbayad ang mga matsing. “Dumapo sa ulo ng mga matsing. Kapag may panganib ay dagling luang malinaw at marahan niyang utos.
Nagsalubong sa gitna ng parang ang mga manlilipad na tutubat ang hukbo ng sandatahang matsing. Buong-buo ang pagtitiwala ng mga sandatahang matsing sa kanilang sandatang pamukpok. Matapang din naming sumunod ang mga kawal na tutubi palibhasa ay nais nilang ipaghiganti ang kaapihan ng prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.
Nagsimula ang labanan. Dapo at lipad, dapo at lipad ang mga tutubi. Pukpok dito, pukpok doon naman ang mga matsing. Kung tatanawin buhat sa malayo ang labanan, ay wari bang matsing laban sa matsing. Nakita ng pinuno ng mga matsing ang pangyayari. Nagkamali siya ng utos. Hindi nalaman agad na sa ulo pala ng kaniyang mga kawal darapo ang maliliksing tutubi. Babaguhin sana niya ang kanyang utos, subalit huli na ang lahat. Isang kawal na matsing ang pilit na pinukpok pa ang tutubi sa ulo ng pinunong matsing. Kayat nang matapos ang labanan nakabulagtang lahat ang mga matsing. Samantala, walang sinumang tinamaan sa mga mabilis umiwas at lumipad na mga tutubi. Naipaghiganti nila ang pagkaapi ng kanilang prinsesa at ng buong kahariang Matutubina.